Miyerkules, Setyembre 4, 2013

Augh...pagpupuyat, nakakataba!

Ayon  sa pagsasaliksik,  kapag kulang sa tulog ang isang tao ay mas malaki ang tendensiya na siya ay tumaba. 
Dahil sa rami ng oportunidad na dumarating sa mga taong nagtatrabaho online partikular na sa mga blogger  ay hindi natin mapigilan ang magpuyat, lalo na kung ikaw ay nagtatrabaho sa isang Outsourcing company at binabayaran ka per ora. Nakahihinayang naman kasi talaga kung hindi mo matatapos ang oras na ibinigay sa’yo. Kung ang employer mo kasi ay binigyan ka ng 40 oras na magtrabaho sa isang linggo at ang kita mo sa bawat oras ay $2 o P80, nakasisiguro ako na manghihinayang ka ng husto kapag nagkulang ka kahit 5 oras.

Sa hirap ng buhay  ngayon at sa hirap humanap ng trabaho, nakatitiyak ako na isa itong napakalaking oportunidad para sa mga designer, manunulat, transcriber at kung anu-ano pa. Kaya naman kung may ganito rin lang na pagkakataon ay pipiliin mo na siyempreng tapusin ang oras na itinakda para sa’yo.
O, ganito ka ba?
Kung sasabihin mong ‘oo’, kailangan mo ring alalahanin ang iyong kalusugan. Maaari kasing manlata ka ng husto at magkaroon ka ng karamdaman kapag masyado kang nagpuyat. Bukod sa maaari kang magkaroon ng sakit sa puso, diabetes at ma-stroke, kailangan mo ring malaman na ang sobrang pagpupuyat ay nakatataba.
Sa pag-aaral nga ay napagtanto na kapag ang tao ay 5 oras lamang ang itinutulog ay maaaring madagdagan ng 2 pounds sa loob lang ng isang linggo. Kaya naman, kung ang isang tao ay madalas magpuyat, siguradong tataba siya ng husto. Maaari pa siyang maging lumba-lumba.
O, nanaisin mo bang mangyari iyon sa’yo?
Sabi nga kasi kapag ikaw ay nagtatrabaho ay kailangang laging may pagkaing laman ang iyong utak. Kaya naman kailangan mong kumain habang nagtatrabaho. Kung sa’yong pagpupuyat ay wala kang ginawa kundi ngumata nang ngumata, may tendensiya talaga na lumobo ka ng husto. Biruin mo ba naman, mas marami ka pang calories na makukuha sa pagkain-kain ng sitsirya kaysa  sa pagkain mo ng karaniwang meal para sa almusal, tanghalian at hapunan.
Kaya kung ayaw mong tumaba, makabubuting huwag kang magpupuyat. Isipin mo na lang na ang kikitain mo sa’yong masyadong pagpupuyat ay maaaring maging dahilan para ikaw ay magkasakit at tumaba ng husto.
Gugustuhin mo ba iyon?





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

My Hot Billionaire Husband teaser

Handa sanang ipaglaban ni Yvette ang boyfriend niyang si Henry kahit gusto siyang ipakasal ng ama kay William Arguelles pero nahuli niya ito...